Sunday, September 20, 2009

Bata, bata, paano ba ang maging isang (lesbianang) ina?



"Motherhood brings as much joy as ever, but it still brings boredom, exhaustion, and sorrow too. Nothing else ever will make you as happy or as sad, as proud or as tired, for nothing is quite as hard as helping a person develop his own individuality especially while you struggle to keep your own." -- Marguerite Kelly and Elia Parsons


***


Mahirap daw ang maging isang inang tulad ko.

Hindi pa man lumalabas ang anak mula sa kaniyang sinapupunan, napakarami nang hirap na pinagdaraanan ang isang babae. Kumpleto man siya sa mga mamahaling gamit at sagana man siya sa mga bitaminang dapat laklakin, hindi maiaalis ang mga sakit at pasakit na kinakaharap ng isang nagdadalang-buhay.

Makaraan ang pre-natal traumas, nariyan namang malagay ang isang paa ng babae sa hukay sa oras na kumawala na mula sa kaniyang sinapupunan ang sanggol na kaniyang dinadala. At kung mas mamalasin ka pa, nakapanganak ka na nga, puwede ka pang atakihin ng postpartum depression.

Sa mga bagay na ‘yan, wala ako’ng masasabi. Hindi ko pa naman naranasang maglihi, magbuntis, at manganak. Pero kung ang pagiging isang ina (maliban sa pagbubuntis) ang itatanong, masasabi kong totoong napakahirap. Mas mahirap para sa mga dalagang ina. At kung ako pa rin ang tatanungin, mas mahirap pang lalo para sa mga tulad kong lesbianang ina.

Tulad ng isang pangkaraniwang ina, kailangan kong pagdaanan ang lahat ng bigat ng responsibilidad ng paghubog sa isang buhay. Tulad ng isang dalagang ina, dala-dala ko sa mga balikat ko ang bigat ng pagpapaliwanag sa aking anak kung bakit ina lang ang mayroon siya. Pero bukod pa roon, bilang isang lesbiana ay kailangan ko ring buhatin ang isa pang mahabang listahan ng mga suliraning kailangang harapin ng isang katulad ko.

Kung may biyenan issues ang mga straight na magulang, aba akalain ninyong sa karanasan ko, sariling magulang ko ang kalaban ko (minsan)! Ang totoo, laking pasasalamat ko na hindi ako nakaranas ng anumang pressure mula sa mga magulang ko para “tuwirin” ang buhay ko at mag-asawa ng lalaki. Ang kaso, hindi ‘ata nila masyadong nai-internalize na “anak” ko ang bata at ako ang “ina” thus, ako dapat ang mas nasusunod sa mga bagay-bagay tungkol sa bata. Hindi ‘ata nila masyadong nare-realize na bagama’t hindi ako ikinasal at hindi ako ang nagluwal sa bata, hindi naman nalalayo sa isang regular na pamilya ang set-up ng buhay ko. At kung naiintindihan ninyo nang lubos, marami namang nakakaalam kung gaano kahirap “kalaban” ang sarili nating magulang dahil kahit tumambling-tambling pa ang mundo, magulang pa rin natin sila.

Nag-aaral-aralan na ang anak ko. Pasalamat ko na lang at hindi pa’ko natatanong ng mga teacher niya kung nasaan ang tatay ng anak ko. Madali lang naman ‘atang sagutin ‘yun. Pero ang hindi ko alam kung pa’no ko sasabihin ang dahilan kung bakit wala. Hindi ‘ata madaling sabihin na walang “ama” dahil dalawang “ina” ang meron ang anak ko.

Problema rin minsan kapag may mga taong angugulat kung paano ako nagkaanak eh hindi naman nila ako nakitang nagbuntis… at ang ilan pang mga mapanuring tanong ng mga kakilalang matagl mo nang hindi nakikita. Nakakaloka na parang kailangan kong mag-esplika sa lahat. Minsan kasi, ang isang tanong ay nasusundan pa ng limandaan. Kaya mahirap na basta lang sumagot ng “oo” at “hindi”.

Hindi ko ikinakahiya kung ano ako. Pero sa uri ng lipunang ginagalawan ko, hindi madaling magsabi at magpakita ng mga bagay na hindi ordinaryo para sa iba. Oo, marami ng bakla at lesbian ang lantad sa Pilipinas pero hindi pa rin kami lubos na tanggap sa lipunan. Sabi nga, tolerated but not accepted.

Ang problema sa ibang tao, puwedeng dedmahin minsan. Pero ang hindi puwedeng ipagkibit ng balikat ay ang panahong magtatanong na ang anak ko kung bakit walang lalaking tatay sa tahanan namin. Kung nasa panganib ang buhay ng babae kapag nanganganak siya, siguradong agaw-buhay na sitwasyon din ang kasusuungan ko sa panahong maging mapanuri na rin ang anak ko. Isang maling sagot, maaaring habambuhay ng maging lamat sa buhay ng isang batang naghahangad din ng isang masaya at puno ng pagmamahal na buhay tulad ng lahat ng iba pang mga bata sa mundo.

Hindi natatapos rito ang listahan. Apat na taon pa lang ang anak ko at alam kong bawat araw ay siguradong maghahatid pa ng mga panibagong pagsubok na kailangang suungin na hindi kailanman kahaharapin ng isang ordinaryong magulang. Pero alam ko ring tulad ng iba, maraming magagandang bagay ang naghihintay rin para sa'min.