Monday, August 16, 2010

Ang bida ng buhay ko...

Ang buhay ng mga tao ay parang pelikula. Puwedeng puno ng aksiyon, madrama, o maraming katatawanan. Minsan, may fantasy at horror din. Sa tunay na buhay, lahat ay bida. Lahat ay kontrabida. Lahat ay supporting cast. Ang pagkakaiba nga lang, ang buhay, walang rewind at fast forward. Walang take 2. Walang editing, mastering, o curing. Pero kung nae-edit man ang buhay, ang bahaging nagsimula noong August 4, 2005 ang hindi ko babaguhin...

Naaalala ko pa noong una ko siyang nakita. Para siyang isang basang sisiw daga. Ang liit at maitim. Magaspang ang balat. Pero wala pa ring kasing ganda para sa'kin --- isa siyang anghel na bumaba mula sa Langit. Kung lahat ng responsibilidad ay katulad niya, kahit akuin ko na lahat.

Araw-araw sa tuwing nakikita ko siya, lagi akong napapaalalahanang masarap mabuhay kahi
t na mahirap. Araw-araw, sa tuwing ngingitian niya ako, nakakalimutan kong may mga bagay na dapat kong ikasimangot. Tuwing gabi at yayakapin niya ako, nararamdaman kong sa kabila ng mga agam-agam ko, may isang taong siguradong nagmamahal sa'kin nang walang pagpapanggap.

Sa edad niyang liman
g taon, marami na siyang mga salitang binibitawan... mga salitang hindi pa dapat bitiwan ng batang nasa edad pa lang niya. Madalas nakatatawa, nakaaalis ng problema. Ang ipinagdarasal ko lang, sana ang mga taong dadagdag sa kaniya (at sa akin din) ay hindi maging dahilan ng napakaraming revision sa mga dialog niya... patuloy sanang maging musika sa aking pandinig ang bawat salitang mamutawi sa kaniyang mga bibig. At sana, magbago man ang script ng mga buhay namin, manatiling magkarugtong ang aming mga eksena.

Tuesday, August 3, 2010

Pagbabalik (muli)


Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, kaharap ko ang laptop ko para magsulat. Pero lahat ay para sa hangaring makapagbigay ng serbisyo sa bayan (sa paraang alam at kaya ko). Kaya lang parang may kulang.

Hinahanap-hanap ng puso ko ang pagsusulat para sa damdamin ko. Hindi naman masamang isipin ang sarili (at tanging sarili lang) paminsan-minsan.