Saturday, June 15, 2013

Nagbabalik





Lahat tayo ay may mga pangarap. Pero sadya atang malupit ang buhay minsan. Hindi kasi lahat ng gustuhin natin ay nakukuha natin. Pero sa'kin, ilang beses namang naging mapagbigay ang buhay.

Sinabi ko noong kapag yumaman ako, magpapatayo ako ng bahay ampunan. Hindi pa'ko yumayaman, pero nagkaroon ako ng pagkakataong baguhin ang buhay ng dalawang anghel.

Noong nasa kolehiyo ako, masaya na'kong makapasok sa isang prank show pero mas maganda pa run ang ibinigay sa'kin. Inabot nga lang ng halos siyam na taon, pero ano naman? Sabi nga nila, "good things come to those who wait". Ang ibinigay sa'kin, hindi lang "good" kundi "greatest". Sulit na sulit ang paghihintay. 

Isa pa sa mga pangarap ko ang magsulat --- ng mga artikulo, tula, kanta, at mga kuwentong bubuo ng mga opinyon, kaaaliwan, at kapupulutan ng aral. Ang alam ko kasi, manunulat talaga ako at hindi dokumentarista.

Ilang beses din akong nagpraktis, kaya nga nag-blog ako. Pero kapag binabalikan ko ang mga dati kong blog, malayung-malayo ang laman sa mga pinapangarap ko. Ang unang blog ay dala ng kabataan at katabilan ng dila. Ang sumunod na blog ay pagsubok na maging mas "mature'. 

Ngayon, susubukan ko ulit sumulat. Panahon na rin para unti-unti ko ulit tuparin ang isa ko pang pangarap. Hindi naman kasi makukuha ang pangarap kung tutunganga lang at magdadasal.