Friday, May 2, 2008

Island of Fire


Siquijor.

Isang bayang sinasabing puno ng kababalaghan. Tinawag nga raw itong "Isla del Fuego" (Island of Fire) ng mga Kastila noon dahil sa tila pagliliwanag ng buong isla kapag sumapit ang dilim. Pagliliwanag na balot ng misteryo. Ngunit sa katotohanan, liwanag na dulot ng libu-libong mga alitaptap na nagsasayaw sa gitna ng kadiliman.

Puno ng kababalaghan? 'Yun ang sabi nila.
Misteryoso? Maaari.

Nakatatakot? Para sa marami.

Ngunit subukan mong itapak sa kaniyang buhanginan ang iyong mga paa... doon mo lang malalaman... doon mo lang maiintindihan... doon mo lang siya tunay na makikilala.

At maaaring maramdaman mong ang nagliliyab na init ay hindi pala nakadadarang.

3 comments:

Anonymous said...

marami ngang mga maling paniniwala tungkol sa mga tulad natin. kaya naman maraming nangingiming itapak ang mga paa sa buhanginan ng katotohanan tungkol sa kanilang pagkatao.

natutuwa ako't may mga katulad mo... matapang na hinaharap ang lipunan at taas-noong inihahayag ang tunay na katauhan.

saludo ako sa'yo!

sana'y patuloy kang magsulat ng mga salitang nakamumulat (ako nga'y nanamlay noong mga panahong ang dati mong sangktuwaryo'y tila nawalan ng buhay. mabuti at may bago ka nang islang kanlungan)

salamat sa artikulo sa libro. isa sa'king mga paborito :-)

Anonymous said...

Kay tagal hinintay, inasam asam na makita ka muling magsulat tulad nito. Salamat at nakapag umpisa ka na muli. Salamat sa hangaring ibahagi ang mga naiisip at nararamdaman. Ibahagi mo ang naglalagablab na apoy mula sa kailalim ilaliman ng pagkatao mo..dahil alam mong nandodoon ang totoong ikaw, matapang at walang takot na magmahal at lumaban sa mga taong mapanghusga. Itong blog mo ay larawan ng tapang, pag ibig at paninindigan. Huwag ka na mawawala, huwag ka na titigil sa pagsusulat. Hindi pwedeng mawala ang isang tao na patuloy na nagbibigay liwanag sa marami pang babaeng nalilito sa kanilang pagkatao. Isang napaka laking kawalan kapag itinigil mo ito ulit. Salamat sa iyong imbetasyon na maging bahagi ng paglalakbay sa islang ito.

Summer Fire said...

sa unang ANONYMOUS:
maraming salamat din lalo na sa pagtangkilik sa What These Hands Can Do. natutuwa akong malaman na may mga gaya mong pinatatapang ng aking mga (minsan eh tae-taeng) artikulo ;D